Tulabut: Parangal Kay Jess - SunStar

Tulabut: Parangal Kay Jess

by Noel G. Tulabut

My Palm Notes

IN HONOR of our fallen comrade and member, Jesus “Jess” Y. Malabanan, I am running the messages that were spoken and read during the “Pamamaalam at Parangal Kay Jess,” held by the Pampanga Press Club (PPC) last December 19 at Trinidad Chapel where viewing was held prior to his cremation that day after.

The PPC prepared a video, showing Jess at work, while its Chairman Tonette Orejas and pillar-mentor Bong Lacson also gave poignant messages on the life and times of Jess.

We will miss you Jess. Here are some of the messages that were read that night.


NOEL G. TULABUT, Incoming President, Pampanga Press Club – Ang amin pong taos-pusong pakikiramay sa pamilya po ni Jess, sa maybahay Aling Mila, mga anak.

Mga kapatid, mga kamag-anak , kaibigan, ang aming pong taos pusong pakikiramay. Mga namumuno, mga kasamahan naming sa trabaho, mga nagsipagdalo

Magandang gabi po.

Salamat po sa inyong pagdalo sa pamamaalam at parangal kay Jess ng Pampanga Press Club

Ako po ay naatasan upang magsalita at pangunahan ang pagpupugay sa ating namayapang kaibigan at miyembro.

Sa inyo pong pahintulot, hyaan nyo pong ako ay magsalita sa dalawang aspeto

Una po ay ang pagkakilala ko kay Jess, pangalawa po ay ang panawagan ng organisayon namin

Una ko pong nakilala si Jess sa San Fernando, sa kanyang pagko cover sa Camp Olivas.

Ako po ay dating naka assign noon sa Pampanga at Regional Office ng PIA

Si Jess, kasama po si Rudy Abular at ang nasirang si George Hubierna ay napapasyal sa opisina. Kung minsan naman ay kami po ay nagkikita sa ibat ibang pagpupulong, lalo na sa mga usapang may kinalaman ang peace and order.

Si Jess po ay kilala naming bilang masipag na Reporter, marubdob sa kanyang piniling trabaho at mga isyung kanyang tinatalakay.

Si Jess po ay hindi lamang isang Police Reporter. Nitong huli, nakita po naming ang paglago nya at nabasa naming ang iba pang mga istoryang isinulat nya sa Buisness o Investments,Governance, Housing at iba pa.

Sa kanyang pagsusulat, siya rin po ay naimbitahan sa mga ibat ibang mga biyahe sa PIlipinas at abroad, gaya ng nakita ninyo sa video.

Naalala ko rin po ang mga kwento ni Jess sa kanyang mga ginagawang pagbisita sa Samar.

Galak na galak po kami sa mga ibinahaging kwento kung paano niya napasaya ang mga kapitbahay sa mga munting tulong sa kabila ng mga sakuna dulot ng mga bagyo na kalimitang naminsala sa Samar.

Tuwang tuwa rin po kami sa kwento niya sa mga ibinibigay na mga ayuda tulad ng mga groceries, bigas, delata at maging mga Duty Free items.

Ang kanyang mga pagpapakita ng kabaitan ay hindi lamang po nanatili sa ganitong mga bagay na materyal.

Atin pong nalalaman din kung anong klaseng pagmamahal sa kapwa ang ipinamalas ni Jess, lalo na sa usaping lupain sa kanyang mga kababayan sa Samar.

Saganang amin, amin pong batid kung papaano nakapagbigay ng tuwa sa kanyang mga kapitbahay at kababayan sa Samar.

Ni minsan , hindi po sumagi sa aming isipan na ang kanyang buhay na nagpamalas ng kabaitan at ng taos pusong pagtulong ay wawakasan ng isang bala.

Bilang panghuli, hayaan po ninyo na ulitin ang aming unang pahayag sa PPC na kami po ay tututok sa imbestigasyon para mabigyan ng katarungan ng pagpaslang kay Jess.

Kami po ay patuloy na nananawagan sa awtoridad na huliin, isakdal, ipakulong at bigyan ng karampatang parusa hindi lamang ng bumaril kundi pati na ang nag utos at kung sino pa ang may kinalaman sa kasong ito.

Hiling po naming sa inyo ang pagkakaroon ng hustisya salalong madaling panahon.

Ang dalamhati ng pamilya at ng aming organisasyon ay maiibsan lamang kung meron ng katarungan.

Maraming Salamat po.


WILLIAM L. BELTRAN, Director, PIA Region 3 — Kami po sa Philippine Information Agency Region 3 ay kaisa ng buong hanay ng Pampanga Press Club at ng buong industriya ng malaya at responsableng pamamahayag sa mariing pagkondena sa brutal at walang-saysay na pagpaslang sa batikang mamamahayag na si G. Jesus “Jess” Malabanan, manunulat ng Manila Standard Today at aktibong miyembro ng Pampanga Press Club.

Isa si Kuya Jess sa mga kaibigan natin sa media na walang-sawa at walang pag-aatubiling sumuporta sa PIA Region 3 sa pagpapalaganap ng akma, wasto, at makatotohanang impormasyon patungkol sa napakaraming programa at serbisyo ng ating pamahalaan nang sa gayon ay maabot ang mas maraming komunidad at mabigyang kakayahan ang mga mamamayan na lubos na mapakinabangan ang mga inisyatiba ng ating gobyerno.

Lagi naming isasa-alaala ang kanyang mga naging kontribusyon sa larangan ng malayang pamamahayag, demokrasya, katarungan at kapayapaan, at pagkakapantay-pantay.

Tulad ng PPC, nawalan din ng isang mabuting kapamilya ang PIA sa pagpanaw ni Kuya Jess. Nawalan tayo ng isang mabuting kaibigan. Ang mga bakas ng kanyang masasayang ala-ala at diwa ng kanyang mga mabubuting nagawa ang siyang ating mababaon upang siya ay mapanatili sa ating mga puso.

Kami rin ay nananawagan sa ating mga otoridad na paigtingin ang imbestigasyon patungkol sa kaso at papanagutin ang sinumang maysala, nang mabigyan ng katarungan ang kanyang kamatayan.

Hinihingi rin namin na kami ay samahan ninyo sa isang dasal para sa pamilyang naulila ni Kuya Jess na lubos na nagdadalamhati sa kanyang pagpanaw. Nawa’y ang ating pagpapakita ng pagmamahal at pagsuporta kay Kuya Jess hanggang sa kanyang kabilang-buhay ay makapagbigay ng ngiti at lakas ng loob sa kanila para harapin ang dagok na ito sa kanilang buhay nang may tapang at dangal at patuloy na umasa sa pagdating ng isang magandang bukas.


USEC. JOEL EGCO, Executive Director, Presidential Task Force on Media Security — Ako ay taos pusong nakikiramay sa biglaang pagkawala ni Jess Malabanan, isang kaibigan at kapatid sa media. Bilang media sa loob ng humigit kumulang na tatlong dekada, hindi ko lamang nasaksihan, kundi naranasan ko ang panggigipit ng mga maimpluwensiyang tao para lamang sa kanilang personal na adhikain. At ngayon bilang kasalukuyang namumuno sa Presidential Task Force on Media Security, isang ahensiya na nangangalaga sa kaligtasan at seguridad ng ating mga kaibigan sa media, ay maigting na nakikipag ugnayan sa Philippine National Police upang matukoy ang mga taong walang puso at awa na gumawa ng krimen na ito kay Jess.

Noong nakaraang Lunes, nagkaroon ng pagpupulong ang aming opisina at ang SITG o Special Investigation Task Group para kay Jess na binubuo ng ating lokal PNP sa Calbayog, Leyte. Dito napagusapan ang mataas na posibilidad na pagtatalo sa lupa ang naging dahilan ng pagkasawi ng ating kapatid sa media. Ipinakita din nila ang mga POI o Persons of Interest. Upang mapagtagumapayan ang imbestigasyon ng SITG, minabuti na maging confidential ang pagkakakilanlan ng mg POI at matunton kung sino ang mastermind ng pagpatay kay Jess. Noong araw na din na iyon, personal na nagtungo ang inyong lingkod sa burol ng mga labi ni Jess sa Pampanga.

Dahil sa nangyari kay Jess at sa mga iba pang na nasawi, patuloy ang inyong lingkod na nanawagan sa ating mga kapatid sa media na maging maingat sa mga nagiging pahayag sa radyo, telebisyon at dyaryo, lalong lalo na sa social media. Magsilbing paalala na din sa ating lahat, kahit sa mga ordinaryong mamamayan, na ang paglahok sa mga pagtatalo sa lupa o anumang personal na bagay ng ibang tao ay maaaring maging dahilan ng pagwawakas ng ating buhay. Walang masama sa pagtulong ngunit maging mapagmatyag tayo sa ating paligid. Bilang mamamahayag, tayo ay masasabing natural

Magnet sa mga taong nangangailangan ng tulong dahil na tin sa ating impluwensiya at mga koneksiyon. Subalit kailangang tantiyahin ang lahat ng bagay na ating pinapasok. Kung ito ay maaaring humantong sa kapahamakan, ugaliing maging maingat.

Sa ngayon, patuloy tayong nakikipagusap sa SITG upang magkaroon ng linaw at mabigyan ng hustisya ang pagkawala ng ating kapatid sa media. Maliban sa kaso ni Jess, nakikipagtulungan din tayo sa PNP at mga Prosecutors upang magkaroon ng linaw at hustisya ang mga kasong pagpatay sa iba pa nating mga kapatid sa hanapbuhay.

At bilang paghahanda sa nalalapit na eleksyon, mas paiigtingin natin ang mandato ng PTFOMS na siguraduhin ang kaligtasan ng ating mga kapatid sa media.

Muli po kaming nanawagan na kung makatanggap ng pagbabanta sa inyong buhay, maaari lamang na tumawag o magpadala ng mensahe sa aming hotline number – 09178406790.

Kami po sa PTFOMS ay nakikiisa at patuloy na sumusuporta sa lehitimo at malayang pamamahayag ng ating mga kapatid sa media at higit sa lahat, kami po ay nakasubaybay sa seguridad at kaligtasan nila.

Sa kabila ng pangyayaring ito, malugod kong binabalita sa lahat na inaprubahan na sa komite ng senado ang ating minimithing Media Workers Welfare Act na naglalayong pataasin ang antas ng pang ekonomikong kalagayan ng ating mga mamamahayag sa bansa at paigtingin at patibayin ang kanilang proteksiyon laban sa anumang banta.

Mabuhay ang totoo, tunay, tapat at malayang pamamahayag!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *