Tahooooo!

By Michael Karlo Lim

“Tahooooo!,” tawag sabay alok ng magtataho.

Tau-hue, kung tawagin sa salitang Insik. Halatang-halata ang impluwensyang tsekwa. ‘Sabagay, ano pa nga ba ang ‘di gawa o galing Tsina?

Tradisyonal na meryenda, o maaari naring almusal, ang sariwang malambot at makinis na tokwa. Ito’y inilalakong may halong sago at pampatamis na sirup. Pamilyar na pigura sa lansangan ang magtataho na may daladalang dalawang malalaking timba na aluminyo na nakabitin mula sa bawat dulo ng isang pamatok. Sa isa nakalagay ang taho at sa kabila naman ang sirup at sago.

Sinasagap ang pinakaibabaw at itatapon ang anumang labis na tubig bago sinasandok ang mismong taho sa tasa. Sinasakyan din ng sago at sirup bago maluwag na hinahalo ito. Ito’y kinukutsara, deretsong iniinom galing sa tasa o hinihithit sa isang dayami. Karaniwan itong inihahandang mainit pero may mga malalamig na mga uri narin.

Ang mga manlalako ay iikot sa kanilang mga ruta nang maaga sa umaga. Hindi karaniwan para sa isang magtataho na makita din sa hapon o gabi. Mas kakaiba ang magtataho na eksklusibong lumilibot sa pang araw-araw na almusal ng Puso Bistro and Bar sa Quest Hotel and Conference Center.

Wala naman tayong masasabing ispesyal sa pormulasyon ng taho nilang gawa mismo sa hotel. Sigurado nga lang tayong mas nakakaasa tayo sa kalidad at kalinisan nito ng naaayon sa klasipikasyon ng isang operasyong “three-star.” Ito ay ayon sa pamantayan. Gawa sa balatong, presko araw-araw.

Taho sa tasa
Sirup at Condensada
Taho sa timba

Walang artipisyal na sankap. Payak. Tuwid. Simpleng sarap. Siguro yun nga din ang katangi-tangi – di ito masyadong nagsusumikap na magpaiba at magpasiklab. Ang bentang-benta din dito ay ang karanasan sa paglasap sa tradisyon at ng nakagisnan. Ang tampok na ito ay tila na naging tanda ng restawran na patok sa kapwa local at mga dayuhang panauhin kung saan silay nakakaubos ng humigit-kumulang limang kilo nito bawat umaga.

Syempre buffet ito at may sangkatutak pang iba’t-ibang putahe sa hanay. May salad bar para sa mga mapagkunwari. Biro lang. Hindi mawawala ang iba’t ibang mga sereals at ang kapares nitong mga gatas sa pagpipiliang buo, sinagap o soya. Yogart,din. May pancakes, waffle, French toast, cold cuts at mga keso. May mag interactive station kung saan pwede ka magpaluto ng itlog, mga noodles at iba pang mga putahe.

German donats

Punong-puno din ang bread station sa mga croissant, muffin, pastelerya at iba’t-iba pang klase ng tinapay. Sa ladlarang ito, ang patibong ay ang kanilang German donat na ordinaryong-ordinaryo sa tingin pero di mo mapigilang papakin ng papakin.

Hindi kumpleto ang almusal ng Pinoy kung wala ang mga paboritong pang almusal sa kanilang Filipino Corner at, syempre, kanin – plain o garlic. My iba pang pagkain sa hanay ng Hot Items kung saan kabilang ang isa pang paborito – bacon.

Ang Breakfast Buffet ng Puso Bistro and Bar sa Quest Hotel and Conference Center ay bukas mula 6 a.m. hanggang 11 a.m.

***

Ang pagsasanay sa pagtatangka ko nitong magsulat sa Tagalog ay ang pagpupugay sa pambansang wika nitong ating pinagdidiriwang na Buwan ng Wika. Tumanggi ang aking patnugot na i-edit nya ang artikulong ito. Gudlak.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Close